Letran lawn tennis men's team
YAAAAHHHHH!
Walang uurungan ang Letran lawn tennis men's team na kasalukuyang numero uno sa NCAA tournament. Masiglang nakunan ng larawan sina Ofel Isidore Lascuna, Philip Byron Ogang, Dave William Regencia at
Elnathan Abella sa Philippine Daily Inquirer/Libre. Hindi nakasama ng Knights sa kanilang nakatutuwang piktoryal si coach Carlitos Rojos na abala sa isang coaching seminar sa Hong Kong. Ginulat ng Knights ang kampeong College of St. Benilde Blazers sa NCAA finals sa Rizal Memorial Sports Complex at ibulsa ang una nilang titulo sa prestihiyosong paligsahan. Napiling Most Valuable Player si Regencia at coach of the year naman si Rojo. Inialay ng Knights ang kanilang mga nakatutulirong ace at matitinding smash sa buong komunidad ng Letran na pinangungunahan ni Rev. Fr. Tamerlane Lana,O.P. at Athletics Moderator Fr.Victor Calvo,O.P.
Photos by Romy Homillada
San Beda College Sea Lions
WALANG KATAPAT
SA TUBIG man o lupa, walang katapat ang San Beda College Sea Lions na hari ng NCAA swimming mula 2002-2009. Mabunying lumangoy ang mga Sea Lion sa pamumuno ni head coach at dating pambansang manlalangoy Dondon Roxas sa opisina ng Philippine Daily Inquirer/ Libre kamakailan. Kabilang sa gumawa ng mga panibagong marka sa kakenkoyan sina Neale Paulo Banagale, Teohdy Gavino, Miguel Barcial, McGyver Reyes, John Simora, Ahldrian Reyes at Micah Bueta. Nasa kanan at tila naghahamon ang pambato ng San Beda na si Ferdinand Frigillana na beterano ng Southeast Asian Games at dating Most Valuable Player ng PRISAA. Matapos ang piktyuran, walang kapagurang nag-dive ang Sea Lions sa Shakey's Pizza na hinanda ng Inquirer Libre. Tulad ng inaasahan, paborito ang mga manlalangoy ng Mendiola na muling makuha ang titulo sa NCAA Season 85 na magbubukas Hunyo 27 sa Araneta Coliseum.





