Kung masusunod lang si Dick Israel, wala na sana siyang ginawa buong gabi kundi kumanta. Sa katunayan, natuwa pa nga ang mga kaibigan ng beteranong aktor at ilan pa ang nakisabay sa kanyang bumirit sa entablado noong Lunes sa Merk’s Bar Bistro sa Greenbelt 3, Makati.
Na-istroke si Dick—na nagngangalang Ricardo Michaca sa totoong buhay—nito lang nakaraang buwan dahil diumano sa napakainit na lugar kung saan ginagawa ang isang shooting para sa isang serye sa telebisyon.
Naparalisa ang kalahati ng kanyang katawan. Naubos sa kanyang pagpapagamot ang lahat ng naipundar niya. Walang trabaho, kailangan pa niyang therapy tatlong beses kada linggo. Inalok nang libre ng mang-aawit na si Richard Merk ang kanyang club para sa isang gig matapos marinig ang apela sa dzMM Teleradyo ng misis ni Dick na si Melinda para sa pampinansyal na tulong.
Standing room ang kinalabasan ng pagtitipon. Todo buhos ang energy ng singer-actress na si Karylle, anak ni Dick sa teleserye, sa pag-awit ng isang Beatles medley. Kahit naka-wheelchair, sinabayan siya ni Dick sa pagkanta.
Ilang bisita
Maagang dumating sina Ricky Davao, Pete Lacaba, Philip Salvador, Ronaldo Valdez at Boots Anson-Roa. Kasama naman sa mesa ng mag-asawang Tirso Cruz III at Lynn si Al Tantay. Nakipaghalubilo naman si Leo Martinez sa mga bisita. Sa isang sulok pumwesto si Edgar Mortiz, tangan ang isang baso ng red wine.
Malapit sa bar natagpuan ng Inquirer si Dolphy Jr., at ikinuwento na “Mabait na tao si Dick, mahusay makisama, kaya ako nandito.” Nauna nang inawit ni Dolphy Jr. ang kanyang marubdob na bersyon ng Someone Like You ni Eric Clapton acoustic guitar.
Jamming
Hindi nagtagal, at nagkaroon na nga ng tinatawag na spontaneous jam, kung saan si Richard Merk ang nagpauna.
“Alam niyo po,” sabi ni Tirso, “itong si Dick, alipin ng Eagles at ni Eric Clapton, kaya ang maririnig n’yo ngayon e puro mga paborito niya.”
Sinimulan ang kantahan sa pamamagitan ng isang plakadong plakadong cover ng Tears in Heaven, kung saan si Tantay ang tumugtog ng lead guitar, si Tirso ang nag-acoustic at si Dick ang umawit. Sinundan ito ng isang malambing na bersyon ng Love Will Keep Us Alive, na pinangunahan na ni Tirso.
“Gusto ko sanang yayain ka, Dick, na sumayaw,” biro ni Tirso, habang itinuloy ng banda, kung saan kabilang din ang 9-taong-gulang na si Grant Gil Palomares sa drums, ang pagkanta ng isang mabilisang Lay Down Sally. Matapos ang tugtugan, humiyaw si Dick: “Yeah! That’s basic rock ’n‘ roll!”
Wonderful
Sinundan pa ito ng maraming klasik na awitin ni Clapton. Inawit ni Al Tantay ang Cocaine” habang panaka-nakang nakikisabay si Dick. Maayos ding umawit si Dick sa simula ng Bell Bottom Blues ngunit tumigil nung chorus.
Kauupo lang ni Tirso nang lapitan siya ni Rez Cortez at sinabing, “Pip, humihingi ng tulong si Tats (palayaw ni Dick). Samahan mo raw siya uli sa stage.”
Pero nakayanan naman ni Dick kantahin mag-isa ang Wonderful Tonight.
Heaven
“Wow, heaven sa akin ’to,” sabi ni Israel makaraan ang kantahan. “Hindi naman kami close ni Richard, pero ginawa niya ’to. Kung tutuusin, palubog na ang araw sa kin … Puso ng show biz ang nandito ngayong gabi.”





