Pagkakataon na ni dating-Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo na magsalita tungkol kay Romulo Neri, ang dati niyang tauhan sa National Economic and Development Authority, kaugnay sa $329-million National Broadband Network (NBN) deal ZTE Corp.
Si Arroyo, na ngayo’y kinatawan ng Pampanga, at ang kanyang asawang si Jose Miguel Arroyo ay gustong gawing testigo ng prosekusyon sa paglilitis kay Neri, sabi ni acting-Deputy Special Prosecutor John Turalba kahapon sa Sandiganbayan.
Kinasuhan si Neri ng paglabag sa anti-graft law dahil sa pakikipagkuntsaba umano kay Benjamin Abalos Sr., noon ay chair ng Comelec, sa proyekto kahit pa hindi dapat nakialam sa kasunduan ang election official. Nakipag-usap din daw si Neri sa mga opisyal ng ZTE kaugnay sa kasunduan.
Sinabi noon ni Neri sa Senado na inalok siya ni Abalos ng P200 milyon para maaprubahan ang kontrata.





